Martes, Hunyo 23, 2026

June 23, 2026

Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Mateo 7, 6. 12-14


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, nagsugo si Haring Senaquerib ng Asiria kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na ang Jerusalem ay maliligtas ng pananalig mo sa iyong Diyos. Hindi lingid sa iyo kung paano nilupig ng mga hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makaliligtas sa akin.”

Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo, inilatag sa kanyang harapan ang sulat, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa itaas ng kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at ng lupa. Dinggin ninyo ako, Panginoon. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib. Totoo nga, Panginoon, na marami nang nalupig na bansa ang mga hari ng Asiria. Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang yaon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong ginawang diyus-diyusan. Kaya nga, Panginoon, iligtas ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang tangi at iisang Diyos.”

Si Isaias ay nagpasugo kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinasasabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo. Ito naman ang kanyang sinabi tungkol kay Senaquerib:

“Itinatakwil ka, laging hinahamak
ng anak ng Sion, dalagang marilag.
Sa iyong likuran ay iiling-iling
anak na babae nitong Jerusalem.

May natirang magmumula sa Jerusalem, gayun din sa Sion. Ito’y mangyayari dahil sa pagmamalasakit ng Panginoon.”

Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makapapasok sa lungsod na ito ni makatutudla kahit isang palaso. Hindi niya ito lulusubin ni papaligiran. Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lungsod na ito, pagkat ito’y ipagtatanggol ko alang-alang sa aking kapakanan at alang-alang kay David na aking lingkod.”

Nang gabing yaon, pinasok ng anghel ng Panginoon ang kampo ng mga taga-Asiria at napatay niya ang sandaa’t dalawampu’t limang libong kawal. Kaya nagmamadaling umuwi sa Ninive si Haring Senaquerib.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Dakila ang Poon, dapat papurihan,
sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos
ay dakong mataas na nakalulugod.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Bundok sa hilaga na galak ang dulot,
sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Sa banal na lungsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
Ang Panginoong D’yos, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lungsod na banal,
iingatan niya magpakailanman.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Sa loob ng iyong templo, O Diyos,
aming nagunita pag-ibig mong lubos.
Ika’y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila’y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

ALELUYA
Juan 8, 12

Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 7, 6. 12-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong ibigay sa aso ang bagay na banal, sapagkat kayo’y babalingan at lalapain nila pagkatapos. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.

“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.

“Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwag ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 10 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 21, 2022 at 1:19 am

PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay patuloy na pangangaral ni Hesus tungkol sa pagkakamit ng biyaya ng kaligtasan. Una ay ang relasyon natin sa mga taong katunggali sa paniniwala. Sinabi ni Hesus na huwag nating ibigay sa aso ang mga banal na bagay, at pati na rin sa mga baboy ang mga perlas. Nais ipahiwatig dito ni Hesus na ang pamumuhay nating mga mananampalataya ay kinakailangang maging maingat at matatag. Hindi natin kinakailangang pilitin sa ibang tao na maniwala sa ating sinasampalatayanan kahit alam natin na ito ang pananiniwalang bigay sa atin ng Poong Maykapal. Kaya ang mas mainam na gawin ay ang pagpapanatili ng mabuting reputasyon sa pagkakaroon ng mas mabuting relasyon sa mga taong nakatunggali natin. Ikalawa ay ang Ginintuang Aral. Ito ay pinagmulan noong panahon ng dalubhasang si Confucius nang turuan niya ang kanyang mga alagad: “Huwag ninyong gawin sa kapwa ang ayaw ninyong gawin nila sa inyo.” Sinasaad dito na huwag nating gawin ang mga bagay na ikasasama ng ibang tao, upang hindi iyan ang bumalik sa atin. Kaya ang ginawa ni Hesus ay inilahad niya ang positibong paraan: “Gawin ninyo sa kapwa ang nais nilang gawin sa inyo.” Iginiit din niya na ito ang saksi ng Kautusan at ng mga propeta sapagkat hindi pa ito nabatid ng mga Hudyo sa marami na silang batas, 613 ang bilang. Kung hindi nakakabuti ang paggawa ng masama, mas maganda na tayo ay gumawa ng mabuti sa ating kapwa. At ang Ikatlo ay ang pagpasok sa makipot na pintuan. Tila nga ba’y mahirap itong gawin, at parang mahirap unawain na ang malawak na daan ay nagdudulot ng kapahamakan. Siguro sa bawat buhay natin ay humahanap tayo ng paraan upang maibsan ang mga problema at pagsubok. Subalit tayo ay pinaaalahanan ni Hesus na ang daan tungo sa kaligtasan ay pagpasok sa makipot na pintong iyon. Ito’y nangangahulugang hindi dapat natin tinatakasan ang naturalidad ng buhay. Sinasabi nga sa 4 na maharlikang katotohanan ng Budismo na mayroong pagdurusang laganap sa buhay. Kaya sa ating pananampalatayang Kristiyano, ang tanging paraan ng pagpasok sa pinto ay kinakailangan ng pagtiis at pagiging matiyaga ng pananampalataya sa kabila ng napakaraming paghihirap sa buhay. At habang tayo’y nagtitiis ay nawa tayo ay magsikap na patuloy na gawin ang ikakabuti sa kalooban ng ating Diyos Ama at sa ating pakikipagrelasyon sa kapwa.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 21, 2022 at 9:15 am

Ano ang aral at hamon ng ebanghelyo ngayon para sa atin?

The famous “golden rule”. Gusto mo bang pinagtsitsismisan ka? Gusto mo bang inaapu ka? Gusto mo bang pagnasaan ng iba ang asawa mo? Gusto mo bang may gumagawa ng kahalayan sa mga mahal
Mo sa buhay? Gusto mo bang sinisiraan ka? Gusto mo bang may mga fake news tungkol sayo? Gusto mo bang maghiganti sa iyo ang nasaktan mo? Gusto ko bang hindi ka mapatawad ng nasaktan mo? Gusto mo bang hindi ka tulungan ng nilapitan mo? Gusto mo bang binabastos ka at ang mga mahal mo sa buhay? Gusto mo bang minumura ka at walang respeto sayo? Gusto mo bang husgahan ka? Gusto mo bang kasinungaliangan ang sabihin sayo? Gusto mo bang yabangan ka at maliitin? Kung hindi, ay simple lamang, huwag mo ding gawin ang mga ayaw mong gawin sa yo. At kung ano naman ang nais mong gawin sayo ng kapwa ay sya mong gawin.

Isa pang hamon ay tungkol sa pagpili ng daan na tatahakin. Isang malapad, maluwag makinis, masarap lakaran pero sa dulo ng kalye ay kpahamakan. Ang isa nama’y makitid, bako bako subalit sa dulo naman ay kapayapaan at tunay na kaligayahan. Ikaw na ang mamili.

Reply

Group of Believer Poblite June 25, 2024 at 6:34 am

MAGNILAY: Kinumpara ni Hesus sa mabangis na aso at maruming baboy ang mga taong hindi marunong magpahalaga sa malasakit ng iba. Ang aso sasakmalin ka pa matapos mong pakanin. Yayapakan lang ng baboy at bababuyin kahit perlas ang ihagis mo dahil hindi naman ito nakakakilala ng mamahalin. Ang mga ganitong tao na makasarili ay gusto lang makinabang sa iyo pero hindi ka susuklian ng parehong malasakit na pinakita mo. Huwag hayaan ang sarili na patuloy ka nilang pagsamantalahan at gamitin. At huwag ka ring maging katulad nila. Kaya sabi ng Panginoon na gawin natin sa iba ang mabuting nais nating gawin ng iba sa atin. Ang pagpapahalagang hinahanap natin sa iba na gawin sa atin ay ipakita muna at gawin din natin sa iba. Piliin nating maging banal at mabuting tao kahit makipot na pintuan pa ang papasukin natin. Mga tao tayong nilikha ng Diyos. May dangal tayo na dapat pahalagahan at isabuhay. Hindi tayo mababangis na aso ni maruruming baboy.

MANALANGIN: Panginoon, turuan mo kaming huwag maging manggagamit at makasarili.

GAWIN: Magpakatao ka na may dangal at hindi asal hayop na walang pakundangan sa kapwa

Reply

Marz June 25, 2024 at 2:02 pm

Golden rule – Do unto others what you want others to do to you.
Pero ang katotohanan ay baligtad, ang katotohanan ay kung may pakinabang tayo sa iba ang tao ay mabuti sa atin. Kung ano ang may pakinabang syang ginagawa.
Ang tao ay mabuti lamang sa taong may pakinabang.
If people are good to you be good to them but if people are bad to you be good to them because that’s what you are.
Do not give the world what the world trying to provide you.
If you only want to be compensated/reciprocated for the things you do to them you will be frustrated.
Hindi lahat ng ginawan mo ng mabuti ay mabuti ang tugon.
Sagot sa paggawa ng mabuti sa kapwa ay nasa unang pagbasa.
Ang Diyos ay palaging totoo.
Maging tapat sa Diyos sa salita at gawa, God will never spare if we are with Him.
Hindi paramihan, but who is with God?
Even if you are the only one doing the right thing to do, do it because God is watching us.
Do not expect to be blessed because you are always in the church, praying long or with this kind of people. Always look into your hearts.
God will examine our hearts, not our company.
We will never be judged by the money, company, associates we have, or degrees we obtain.
The righteousness of God will be based on the law that was given not by the numbers of men.
Forget about karma always think and understand who is this God who we worship.
– Father Dave Concepcion.

Reply

[email protected] June 23, 2026 at 8:39 am

Sa Dios Lahat Ang Kapurihan Sa Ngalan Ni Hesukristo…Amen!

Reply

Jovy Uy June 23, 2026 at 7:07 am

Pagninilay

1. Sa unang pagbasa,
Ginamit ng Diyos ang Imperyo ng Asiria bilang instrumento upang parusahan ang hilagang kaharian ng Israel (Samaria). Subalit, umabuso ang Asiria sa pamumuno ni Haring Senaquerib at nagtangkang sakupin din ang Jerusalem. Dahil sa pagmamalabis na ito, pinarusahan ng Diyos ang Asiria. Binalaan ng Diyos ang Israel dahil sa kanilang patuloy na pagtalikod. Noong 722 B.C.E., pinahintulutan ng Diyos ang mga Asiryo na sakupin ang Kaharian ng Israel at dalhin ang mga mamamayan nito sa pagpapatapon. Matapos masakop ang Israel, sinakop din ng Asiria ang halos lahat ng napapaderang lungsod ng Juda. Sa ilalim ni Haring Hezekia, kinubkob ng hukbo ng Asiria ang Jerusalem na ipinagbawal ng Dios na sakupin. Hinamon at ininsulto pa ng kumander ng Asiria ang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t pinatay ng anghel ng Dios 125k na sundalo ng Asiria at umuwi sa Niniveh si haring Senaquerib at doon siya pinaslang .

Ang banta ni Senaquerib ay sumisimbolo sa mga puwersa ng kadiliman at kamatayan. Pinaslang ni Jesus ang kamatayan nang minsan at magpakailanman sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo.

Ang pangako ng Diyos na ipagtatanggol ang Jerusalem “alang-alang kay David” ay natupad nang lubusan kay Kristo, ang Mesiyas na nagmula sa lahi ni David.

Kung paanong kinilala ni Ezequias na ang Diyos lamang ang nagliligtas, si Jesus ang katuparan ng pangalang Emmanuel (“Nasa atin ang Diyos”) bilang tanging daan patungo sa kaligtasan.

“Noong mga araw na iyon, nagsugo si Haring Senaquerib ng Asiria kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na ang Jerusalem ay maliligtas ng pananalig mo sa iyong Diyos. Hindi lingid sa iyo kung paano nilupig ng mga hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makaliligtas sa akin.”Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo, inilatag sa kanyang harapan ang sulat, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa itaas ng kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at ng lupa. Dinggin ninyo ako, Panginoon. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib. Totoo nga, Panginoon, na marami nang nalupig na bansa ang mga hari ng Asiria. Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang yaon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong ginawang diyus-diyusan. Kaya nga, Panginoon, iligtas ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang tangi at iisang Diyos.”Si Isaias ay nagpasugo kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinasasabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo. Ito naman ang kanyang sinabi tungkol kay Senaquerib:“Itinatakwil ka, laging hinahamak
ng anak ng Sion, dalagang marilag.
Sa iyong likuran ay iiling-iling
anak na babae nitong Jerusalem.May natirang magmumula sa Jerusalem, gayun din sa Sion. Ito’y mangyayari dahil sa pagmamalasakit ng Panginoon.”Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makapapasok sa lungsod na ito ni makatutudla kahit isang palaso. Hindi niya ito lulusubin ni papaligiran. Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lungsod na ito, pagkat ito’y ipagtatanggol ko alang-alang sa aking kapakanan at alang-alang kay David na aking lingkod.”Nang gabing yaon, pinasok ng anghel ng Panginoon ang kampo ng mga taga-Asiria at napatay niya ang sandaa’t dalawampu’t limang libong kawal. Kaya nagmamadaling umuwi sa Ninive si Haring Senaquerib.”

Reply

Jovy Uy June 23, 2026 at 7:09 am

2. Ang Salmo ay isang pagpupuri sa pisikal na Lungsod ng Jerusalem at Bundok ng Sion. Ayon sa Bagong Tipan, ito ay may kaganapan kay Jesus: Siya ang tunay na “Muog” na nagbibigay ng kaligtasan, ang “Templo” kung saan nadarama ang pag-ibig, at ang pundasyon ng walang hanggang Kaharian ng Diyos. Sa Lumang Tipan, ang Sion ang tahanan ng Diyos. Sa Bagong Tipan, ang “Sion” ay tumutukoy kay Kristo at sa Kanyang Iglesia. Ayon sa Hebreo 12:22, ang mga mananampalataya ay lumapit sa “Bundok ng Sion, at sa bayan ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit.”Ang mga hari ay nagtipon upang salakayin ang Sion ngunit sila’y natakot. Si Jesus ang ating tanggulan. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, tinalo Niya ang kasalanan at kamatayan. Siya ang “batong itinakwil ng mga tagapagtayo na naging batong-panulok” na nagpapatatag sa atin. Sa loob ng templo ay ginunita ang pag-ibig ng Diyos. Si Jesus mismo ang tunay at buhay na Templo. Nang sabihin Niya na gibain ang templo at itatayo Niya ito sa tatlong araw [Juan 2:19], tinukoy Niya ang Kanyang katawan. Sa pamamagitan ni Jesus, ang presensya ng Diyos ay hindi na nakakulong sa isang gusali kundi sumasaatin na. Ang awit ay nagtatapos sa papuri sa Diyos na ang pamamahala ay makatarungan. Ito ay ganap na natutupad kay Jesus bilang Hari ng mga hari. Siya ang hahatol sa sanlibutan nang may katuwiran at katarungan [Gawa 17:31].

“Dakila ang Poon, dapat papurihan,
sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos
ay dakong mataas na nakalulugod. Bundok sa hilaga na galak ang dulot,
sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bansa. Sa banal na lungsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
Ang Panginoong D’yos, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lungsod na banal,
iingatan niya loob ng iyong templo, O Diyos,
aming nagunita pag-ibig mong lubos.
Ika’y pinupuri ng lahat saanman, magpakailanman.
Sa buong daigdig ang dakila’y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.”

Reply

Jovy Uy June 23, 2026 at 7:10 am

3. Sa gospel reading, ipinapakita ni Jesus ang Kanyang sarili bilang ang kaganapan ng Kautusan at ang tanging daan patungo sa kaligtasan. Siya mismo ang “makipot na pintuan” at ang pamantayan ng tunay na pag-ibig sa kapwa.Ang mga turo ay gaya ng perlas na nagpapakita ng katuparan kay Jesus sa pamamagitan ng tatlong punto. Ang mga banal na turo ay kumakatawan sa Ebanghelyo. Si Jesus ang pinakabuod ng katotohanang ito . Nangangailangan ito ng tamang pagpapahalaga tulad ng isang perlas; hindi ito dapat ipilit sa mga taong asal baboy na hahamakin at tatanggi rito . Ang “Gawin sa iba ang nais mong gawin nila sa iyo” ay ang buod ng lahat ng aral sa Lumang Tipan. Siya ang ganap na nagpamalas nito nang ibigay Niya ang Kanyang buhay sa krus para sa atin. Itinuro ni Jesus na kakaunti ang makasusumpong nito. Sa aklat ng Juan, tahasang sinabi ni Jesus, “Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas.” Siya ang landas ng pagsasakripisyo at pag-ibig na nagtuturo sa atin kung paano tunay na mamuhay sa Diyos.

“Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong ibigay sa aso ang bagay na banal, sapagkat kayo’y babalingan at lalapain nila pagkatapos. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.“Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwag ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon.”

4. Kumusta naman tayo. Pinapahalagahan ba natin ang salita ng Dios tulad ng isang perlas? Binabasa at binubulay ba natin araw at gabi upang maging mabunga (Awit 1:2-3) at malaman natin ang ating limitasyon ng ating gawain at di matulad kay haring Senaquerib ?

Reply

Mel Mendoza June 23, 2026 at 9:42 am

PAGNINILAY:
Mateo 7:6, 12-14

Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Hesus:
“Kaya’t anumang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga Propeta.” (Mateo 7:12)
Ito ang tinatawag na Ginintuang Aral (Golden Rule). Bago pa man dumating si Hesus, may kahalintulad nang kaisipan na itinuro ng sinaunang pilosopong Tsino na si Confucius: “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo.”

Ngunit mapapansin natin ang malaking kaibahan.
Si Confucius ay nagturo ng pag-iwas sa paggawa ng masama. Samantalang si Hesus ay nagtuturo ng aktibong paggawa ng mabuti. Hindi sapat na hindi tayo nananakit; tayo ay tinatawag na magmahal, tumulong, magpatawad, umunawa, at gumawa ng kabutihan.
Ang Kristiyanismo ay hindi lamang pag-iwas sa kasalanan kundi masigasig na paggawa ng may pag-ibig.

Ang Ginintuang Aral ay salamin ng mismong puso ng Diyos.
Ganito ang ginawa ng Diyos sa atin. Hindi lamang Niya iniwasang saktan tayo; kusang-loob Niya tayong minahal. Ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang iligtas tayo.

Kaya kapag ginagawa natin sa kapwa ang nais nating gawin sa atin, tayo ay nagiging larawan ni Kristo.
Pagkatapos nito ay sinabi ni Hesus:
“Pumasok kayo sa makipot na pintuan.”
Hindi aksidenteng magkadugtong ang dalawang turong ito.

Ang makipot na pintuan ay ang landas ng tunay na pag-ibig. Madaling maging makasarili, magkimkim ng galit, gumanti, at isipin lamang ang sarili. Ngunit mahirap magmahal ng mahirap mahalin, magpatawad sa nakasakit, at magsakripisyo para sa iba.
Iyan ang makipot na pintuan.
Ang maluwang na daan ay daan ng sariling kagustuhan na kadalasang humahantong sa kapamahakan. Ang makipot na pintuan ay daan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Pagsasabuhay:
-Bago magsalita o kumilos, itanong sa sarili:
“Kung ako ang nasa kalagayan niya, paano ko gustong tratuhin ako?”
-Maging aktibo sa paggawa ng mabuti.
Huwag lamang umiwas sa kasamaan. Humanap ng paraan upang makatulong, makapagbigay-lakas, at makapaghatid ng pag-asa.
-Piliin ang makipot na pintuan araw-araw.
Sa bawat pagkakataong pinipili natin ang katotohanan kaysa kasinungalingan, pagpapatawad kaysa paghihiganti, at pag-ibig kaysa pagkamakasarili, tayo ay pumapasok sa makipot na pintuan.

Word of the Day: “Makipot”
Ang makipot na pintuan ay hindi hadlang sa kaligayahan kundi daan tungo sa tunay na buhay na walang hanggan. Ang hamon ng Ebanghelyo ay maaaring mahirap, ngunit ito ang landas na humahantong sa walang hanggang pakikipag-isa sa Diyos.

Ang makipot na pintuan ay hindi daan ng maraming tao, ngunit ito ang daang tinahak ni Kristo. Kung nais nating makarating sa buhay na walang hanggan, kailangan nating matutong mamuhay ayon sa Ginintuang Aral ng pag-ibig.

Panalangin:
Panginoong Hesus, turuan Mo akong mahalin ang aking kapwa gaya ng nais kong mahalin at tratuhin. Bigyan Mo ako ng lakas na piliin ang makipot na pintuan ng pag-ibig, kababaang-loob, at katapatan sa Iyo. Nawa’y sa aking mga salita at gawa ay makita ng iba ang Iyong kabutihan. Amen.

Praise God! Alleluia! Amen!

Reply

Celine loveko June 24, 2026 at 3:14 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: