Linggo, Setyembre 1, 2024

September 1, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa

Ipinaaalaala sa atin ngayon ng Mabuting Balita ang dakilang kahalagahan ng paglinang ng tamang saloobing moral at ng pagsunod sa utos ng Diyos. Bunsod ng pananalig sa Kanyang pagmamahal sa atin, manalangin tayo:

Bukal ng kabanalan, dinggin Mo kami!

Para sa Simbahan at mga pinuno nito: Nawa’y isaayos nila ang kanilang mga pinahahalagahan nang hindi napadadala sa mga uso o sa hinihingi ng pagkakataon. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga magulang: Nawa’y turuan nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng salita at mabubuting halimbawa, at nawa’y ang kanilang asal ay tuwinang gabayan ng utos ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng nagtuturo ng Relihiyon: Nawa’y akayin nila ang kanilang mga estudyante sa isang maayos na pagtanggap sa mga pagpapahalaga ng Ebanghelyo upang mamuhay alinsunod sa ganitong mga pagpapahalaga. Manalangin tayo!

Para sa kabataan sa buong mundo, lalo na sa ating bansa: Nawa’y tanggihan nila ang anumang panghamak at di-karapat-dapat sa tao, at tupdin ang sa kanila’y nagpapadakila. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa’y mapanatili natin na walang bahid ng maruruming isipan at hangarin ang ating mga puso. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng kasapi sa “catechetical ministry”: Nawa sila’y suportahan ng kanilang komunidad sa kanilang mahalagang misyong pagtuturo ng pananampalataya. Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, isinugo Mo ang Iyong Anak upang ipaalaala sa amin ang pangangailangan sa mga tamang pagpapahalaga sa buhay. Ipagkaloob Mo sa amin ang biyaya na malaman namin ang tama, gawin ang mabuti, at magpunyagi sa paglilingkod sa Iyo hanggang sa wakas ng aming buhay.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez July 22, 2021 at 4:12 pm

PAGNINILAY: Pagkatapos nating pagnilayan ang mga Kasabihan ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay (Juan 6), ang mga sumusunod na Ebanghelyo para sa mga darating na Linggo sa Karaniwang Panahon ay magmumula kay San Marcos dahil tayo’y nasa Taon B ng Liturhiya ng Simbahan. Ngayon, sinisimulan natin ang Linggong ito sa ating mga Pagbasa ngayon tungkol sa utos ng Diyos.

Sa ating Unang Pagbasa (Deuteronomio 4:1-2, 6-8), ipinahayag ni Moises sa mga Israelita na sundin ang lahat ng mga utos ng Panginoong Diyos, at huwag baguhin ang mga Ito. Kung ating natatandaan, ang Panginoon ang nagligtas sa kanilang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto sa pamamagitan ng kanyang lingkod si Moises. Kaya ang nais niya sa kanyang pinagpala ay sundin ang kanyang utos at sumamba sa kanya. Subalit sa paglipas ng panahon, umusbong ang ilang mga pinuno ng Hudyo katulad ng Pariseo, Saduceo, at eskriba, at dumagdag sila ng higit na 500 utos, hanggang mabuo nila ang 613 utos. At kung sinuman ang lalabag sa mga ito ay aarestuhin ng mga Romano. Hindi lang Kautusan ang kanilang hinigpitan, kundi pati rin ang kanilang mga tradisyong ginawa ng kanilang mga ninuno.

Kaya sa ating Ebanghelyo (Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23), tinuligsa sila ni Hesus dahil hindi makabuluhan ang kanilang pagsamba sa Diyos. Kung ating susuriin, kapag nakikita nila siyang lumalabag sa utos, bibintangin nila siya at susubukang patayin siya. Ilan sa mga ito ay ang Araw ng Pamamahinga, pang-aayuno at pangingilin, pagbabayad ng buwis kay Emperador Cesar, pagkakasal at pagkakahiwalay ng isang mag-asawa, atbp. Higit sa lahat, tingin nila lumalabag si Hesus sa mga ito, pati pa rin daw ang pagdeklara ng kanyang sarili bilang Anak ng Diyos. Subalit ang kanilang pagkikilala sa Diyos ay hindi makabuluhan dahil ang sabi nga ni Propeta Isaias: “Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal” (Isaias 29:13). Kaya nga hinihigpitan nila ang Kautusan para tuparin ito ng lahat ng mga tao, at mismo sila’y hindi sinusunod ito. Mga kapatid, ang pinupunto lamang ni Kristo ay ang tamang pagkilala at pagsamba sa Ama.

Mahalaga naman na sundin ang Kautusan, subalit huwag tayo masyadong mapagmataas. Huwag din natin maliitin at gawing paslit ang ating mga kapwa. Ang Diyos ay tumitingin sa puso ng bawat isa, kung paano ang isang tayo’y sumunod sa kanyang utos at gumawa ng mga mabubuting bagay sa ibang tao. Kaya nga sa ating Ikalawang Pagbasa (Santiago 1:17-18, 21b-22, 27), hinihikayat tayo ni Apostol Santiago, kauna-unahang Obispo ng Jerusalem, na ang tunay na pakikipagkilala sa Diyos ay nababatay rin ng mahabagin at maawaing puso ng isang indibiduwal tungo sa kanyang mga kapwa.

Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y sundin natin ang mga utos nang buong puso, at nang hinding pagpapaslit sa ibang tao.

Reply

Abcde Gabriele Rivera August 25, 2021 at 11:46 am

Maging matapat at patas po sa kapwa

Reply

Jane Mendoza August 29, 2021 at 8:21 am

Salamat Panginoong Diyos. Tunay kang kapuri-puri magpakailanman. Turuan nyo nawa kaming mamuhay ng kalugod lugod sayo. Linisin mo po ang ang aming puso at isipan ng sa gayon, mamuhay kami ng naayon sa inyo at hindi lamang sa mata ng mga tao. Higit na mahalaga ang kalinisan ng kalooban kaysa kalinisang pang labas lamang. Ang dumi ng kalooban ay nagbubunga ng paninirang puri sa kapwa at iba pang kasalanan. Mamuhay kaming nagpupuri sayo. Maraming Salamat Panginoon ko. Amen!

Reply

Ferdy Baetiong Pariño August 29, 2021 at 11:13 am

Ako ay isang lay minister sa aming parokya, nung nakaraang biernes santo, pagkatapos kami ay magprosisyon ay kasabay naming nananghalian ang aming kura paroko. Ang inihain ng parin ay pritong manok, lechon paksiw at ribs. At sinabi nyang marahil nagtataka kayo at puro karne ang ating kakainin ngayong biernes santo. At ito ang kanyang sunod na tinuran, “Hindi ang pag iwas sa karneng pagkain ang magdadala sa inyo sa langit, at hindi rin nangangahulugan na kapg isda at gulay lamang ang kinain nyo ngayong biernes santo ay makakarating na kayo sa langit. Hindi ang ipinapasok natin sa bibig natin tayo sinusukqt ng Diyos, kung ano ang lumalabas sa ating bibig at ginagawa mula sa puso tayo tinitingnan ng Diyos. Kahit sundin mo ang mga tradisyon ng semana santa katulad pagpapahirap sa sarili, hindi kumakain, pinapalo ang sarili kung hindi ka nman magbabalik loob sa Diyos ay niloloko mo lamang ang iyong sarili.

Reply

Cynthia Esquillo August 25, 2024 at 1:27 pm

Mahalaga rin na nililinis natin ang mga panlabas – ang mga gamit natin, ang paliligo sa ating katawan, ang tahanan at silid, at iba pa. Subalit mas una nating linisin ang ating panloob.
Ang kasalanan ay nagmumula sa isang isipin (seed thought). Halimbawa, nakakita ka simbahan ng babaeng maiksi ang suot. Dahil alam mo ang tamang kasuotan sa pagdulog sa templo ng Diyos, huhusgahan mo agad ang babaeng nakita mo. Mula sa pag-iisp (thought) na masama ang kasuotan ng babaeng ito, magiging isang salita ang iyong iniisip. Maaring sabihin mo sa iyong kasama, “Grabe naman ang babaeng ito! Hindi na iginalang ang Diyos.”
Ang malubha ay kung gumawa ka ng aksyon na hindi mabuti. Halimbawa ay ipahiya ang babae sa pamamagitan ng pagkompronta sa kanya sa harap ng maraming maninimba. Mas lalong lumala ang iyong naging kasalanan.
Ang punto rito, tama naman na marapat lamang na magsuot ng disente kapag sumisimba. Subalit, ang husgahan ang babaeng iyon ang hindi tama. Saan nagmula ang kasalanan? Sa loob, sa pag-iisp, at lumabas pa sa bibig. Ito ang nakapagpaparumi sa isang mananampalataya – ang humusga sa mga kapwa mananampalataya na hindi sumusunod sa “kautusan.”
May paraan kung paano iwawasto ang hindi tamang gawi ng ating mga kapatid – maawaing pananalita (merciful words). Kung hindi alam kung anong salita ang sasabihin upang maiwasto ang gawi ng ating kapwa, maaari rin natin silang ipanalangin upang kasihan sila ng liwanag ng Espiritu Santo upang maunawaan ang kanilang ginagawa at sa gayon ay makapagwasto.
Ito ang Divine Mercy way.

Reply

drruelROMUALDO-sjc August 31, 2024 at 8:49 am

Ang ebanghelyo ay nag-aanyaya sa atin na suriin ang ating mga puso. Tinatawag tayo ni Jesus na alisin ang ating pagkapit sa mga tradisyong panlabas na walang tunay na laman, at sa halip, ituon ang ating pansin sa tunay na diwa ng pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang ating kalinisan sa harap ng Diyos ay hindi nasusukat sa panlabas na ritwal, kundi sa kalinisan ng ating mga puso at kaisipan.

Nawa’y patuloy nating linisin ang ating mga puso at magpakumbaba upang maging karapat-dapat tayong maglingkod sa Diyos at sa ating kapwa.

Reply

Group of Believer Poblite September 1, 2024 at 7:35 am

MAGNILAY: Ang isang ritwal na hindi na nagpapahayag ng nasa kalooban ng tao ay wala nang kahulugan. Pinamukha ni Hesus ang walang saysay nilang ritwal ng paghuhugas ng kamay dahil hindi na ito sumasalamin ng kanilang kalooban. Naghuhugas sila ng kamay pero hindi hinuhugasan ang kalooban sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi. Iniisip nilang magkakasala sila kapag nakahipo sila ng mga bagay na tinuturing na makasalanan at simulang hawakan at kainin ang pagkain nang hindi ginawa ang ritwal ng paghuhugas ng kamay. Inaakala nilang naipapasa ang kasalanan sa pagkain. Sabi ni Hesus na hindi ang maruming pagkain na pumapasok sa bibig ang ipagkakasala nila kundi ang marumi nilang puso na pinagmumulan ng masamang gawain. Maganda namang ritwal ang paghuhugas ng kamay bago kumain kung sinasalamin nito ang tunay na pagsisisi na nagaganap sa puso ng tao.

MANALANGIN: Panginoon, linisin mo ang marumi kong puso dahil sa kasalanan.

GAWIN: Magsisi at hugasan ang puso sa marami nitong pagkakasala.

Reply

Whildey Adriano September 1, 2024 at 9:59 am

Higit sa lahat ay ang pagkakaruon ng malinis na puso’t kalooban na sinasabi ng Panginoon. Hindi katulad ng mga minanang turo na ukol sa mga ritwal na ginagawa at nakaugalian nila. Ang pagiging malinis ang puso’t kalooban ay bunga ng ating pagbabagung-buhay at malalim na kaugnayan kay Hesus, na Siyang naging dahilan ng ating pagiging tunay at ganap na tagasunod ng Panginoong Jesu-Cristo.

Pagpalain Mo pong lagi ang aming buhay Panginoon at lagi Mo kaming samahan sa araw-araw ng aming buhay upang kami ay magtagumpay.

Reply

Noe de Jesus September 3, 2024 at 6:07 pm

Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-22: Pagninilay at Paliwanag

Talata: Ang ebanghelyo ay naglalahad ng isang tagpo kung saan kinuwestiyon ng mga Pariseo at mga eskriba si Jesus tungkol sa kaugalian ng paghuhugas ng kamay bago kumain. Ginamit ni Jesus ang pagkakataong ito upang ituro ang mas mahalagang aspeto ng tunay na kadalisayan—hindi ang panlabas na ritwal kundi ang kalinisan ng puso.

Pagninilay at Paliwanag:

1. Marcos 7, 1-8:
Dito, kinukuwestiyon ng mga Pariseo at mga eskriba si Jesus dahil hindi sinusunod ng Kanyang mga alagad ang kaugalian ng paghuhugas ng kamay bago kumain. Sinagot sila ni Jesus sa pamamagitan ng pagtukoy sa propeta Isaias, na nagsabi na ang mga tao ay sumasamba sa Diyos sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa Kanya. Ipinapakita nito na ang Diyos ay mas nakatingin sa ating panloob na disposisyon kaysa sa mga panlabas na ritwal. Ang pangunahing aral dito ay huwag magpakahigpit sa mga tradisyon o seremonyang walang kabuluhan sa harap ng Diyos kung hindi naman bukal sa ating mga puso.
2. Marcos 7, 14-15:
Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at ipinaliwanag na walang anumang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas mula sa kanyang puso. Dito binibigyang-diin ni Jesus na ang kasamaan o karumihan ay hindi nagmumula sa panlabas na bagay kundi sa kalooban ng tao. Tinutukoy dito ang ating mga iniisip, hangarin, at galaw na lumalabas sa ating puso—ang tunay na pinagmumulan ng kasamaan.
3. Marcos 7, 21-22:
Pinangalanan ni Jesus ang mga masasamang bagay na nagmumula sa puso ng tao: masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamataas, at kahangalan. Ipinapakita nito na ang ugat ng lahat ng kasalanan ay nasa ating puso at isipan. Kaya ang tunay na pagsunod sa Diyos ay hindi lang sa pagsunod sa mga kautusan, kundi sa pagkakaroon ng pusong dalisay at malinis.

Pagninilay:

• Pagtutuon sa Puso: Sa araw-araw na pamumuhay, madalas tayong makakalimot na suriin ang ating mga puso. Madalas ay inuuna natin ang mga panlabas na anyo ng kabanalan, tulad ng pagsisimba at pagsunod sa mga ritwal, ngunit kinakalimutan natin ang paglinis sa ating mga damdamin at kalooban.
• Pagpapaunlad ng Kalinisan ng Loob: Ang paanyaya ni Jesus ay maging malinis hindi lamang sa panlabas kundi, higit sa lahat, sa kalooban. Tinatawagan tayo na baguhin ang ating mga puso, iwasan ang masamang pag-iisip, at pahalagahan ang kagandahang-loob.
• Pag-ibig sa Diyos at Kapwa: Ang tunay na kabanalan ay makikita sa ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, na isinasabuhay sa mabubuting gawa na nagmumula sa isang pusong busilak.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: