Huwebes, Disyembre 15, 2022

December 15, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Huwebes

Ipinahayag ng mga propeta ang pagdating ng ating Manunubos. Sa pamamagitan ng pangangaral ng pagsisisi sa kasalanan, ibinalita ni Juan Bautista ang kanyang pagdating. Sa diwa ng pagsisisi, hilingin natin ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga panalangin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ituro mo sa amin ang iyong daan.

Ang Santa Iglesya nawa’y maihayag ang kaluwalhatian ng Panginoon at maipakita sa lahat ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinunong Kristiyano nawa’y maging kasangkapan ng katotohanan at katarungan para akayin ang kanilang bayan sa landas ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga puso nawa’y maging bukas sa pagtanggap sa mensahe ng mga propeta na nagsasalitang parang mga tinig sa ilang, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang pagtitiyaga ng Diyos nawa’y maranasan ng iba sa pamamagitan ng ating mabuting pakikitungo sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong inaalala natin ang kamatayan nawa’y magtamo ng kapatawaran at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Lubos na mapagmahal na Ama, tunghayan mo ang mga pangangailangan ng iyong bayan at ipagkaloob mo nawa ang aming mga kahilingan habang naghahanda kami para sa iyong Anak na nabubuhay at naghaharing kasama mo magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Ferdy Baetiong Pariño December 16, 2021 at 6:11 am

Ika labing anim ng Disyembre, ang umpisa ng simbang gabi o misa de gallo o misa de aguinaldo. Makikita na rin ang mga kabataan na nangangaroling. Pamaskong awit ang maririnig sa maraming dako. Na ang ibig sabihi’y papalapit na ng papalapit ang Pasko.

Kaya’t ang tema ng ebanghelyo ay ang paghahanda ni San Juan ng daraanan ni Hesus. Kapatid, handa ka na ba? Naituwid mo na ab ang liko liko mong landas, napatag mo na ba ang bako bako mong nilalakbayan. Suriin mo ngayon ang iyong sarili, nagnanasa ka p din ba sa hindi mo asawa at pag-aari, tsismosa ka p din ba naninira ng kapwa, hindi mo pa rin ba napapatawad ang iyong kaaway, kapatid o ang kapwa. Hindi ka pa rin ba namamahagi ng iyong biyaya sa walang wala, wala kanoa rin bang takot sa Diyos at patuloy ka pa ring sumusuway sa kanyang mga kautusan? Hindi pa huli ang lahat, magsisi tayo sa mga gawang masama, ihingi natin ito ng kapatawaran sa Ama, at sikapin ng matalikuran ang mga kabalastugan. Mahiya tayo sa Diyos, matakot tayo sa Diyos, sapagkat ano mang meron ka ngayon, komportable mana ang buhay mo ngayon, kilala ka at may posisyon ay sa isang iglap lamang ay kayang bawiin lahat ng Panginoon kung nanaisin nya.

Ang Adviento ay samantalahin upang magbago, manumbalik tayo sa Ama, papurihan sya at pasalamatan. Amen.

Reply

Reynald Perez December 15, 2022 at 1:52 am

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nananabik na pumasok sa ikalawang bahagi ng Adbiyento, na kung saan mas bibigyang-diin ang mga huling araw ng Adbiyento mula ika-17 hanggang 24 ng Disyembre ang Unang Pagdating ni Kristo, ang kanyang Pagkakatawang-tao na siyang gugunitain natin sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Kaya patuloy nating pinagninilayan ang hiwaga ng pagdating ni Kristo sa ating araw-araw na pamumuhay, upang maihanda natin ang ating sarili sa kanyang muling pagpaparito sa katapusan ng panahon.

Ang Unang Pagbasa ay isa na namang napakagandang pahayag ni Isaias tungkol sa kaginhawaan at aliw ng Panginoon sa kanyang bayang nagdurusa at nababalot ng paghihirap, na ang Diyos na kanilang tinalikuran ay tumatawag sa kanila na manumbalik sa kanya. Matatandaan na ang bayan ng Diyos ay sumuway sa kanya, kaya nga sinakupan sila ng mga taga-Babilonia, at sila’y tinapon sa pagkabihag sa Babilonia. Ngunit nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na ang Manlilikha ay tumatawag sa kanila na bumalik sa kanya, katulad ng pagtawag sa isang itinakwil na asawa pabalik sa pagmamahal sa kanyang kabiyak. Kaya nga ang Panginoon ay puno ng habag at pagmamahal sa kanyang mga hinirang at kinalulugdan. Dahil diyan, inaasahan sa atin na tayo’y tumugon at patuloy na sumikap na maging mabuti upang balang araw ay makamtan natin ang buhay na walang hanggan.

Ang Ebanghelyo ngayon ay karugtong ng Ebanghelyo kahapon, na kung saan isinugo ni San Juan Bautista na nakabilanggo ang kanyang dalawang alagad upang tanungin si Hesus na kung siya nga ang ipinahayag ni Juan na “Mesiyas na dumating”, o bagkus ay maghahanap na lang ng iba. Kaya’t ang naging tugon ng Panginoon ang mga magagandang kababalaghan na ginawa niya para sa mga tao. At narinig nga natin ngayon nang paalis na ang dalawang alagad ni Juan, tinanong ni Hesus ang mga tao kung ano o sino ang kanilang nakikita sa Ilog Jordan. At tinukoy ng Panginoon ang pagpaparangal at pagbibinyag ni Juan, na tinukoy rin ng Kasulatan na propetang maghahanda ng daan para sa pagdating ng Mesiyas. Kaya sa buong buhay ni San Juan Bautista, maski hanggang kamatayan ay naging mapagkumbaba siya at naging mapagmatyag sa kabila ng hantungan ng kanyang buhay sa kamay ng kasamaan nina Herodes at Herodias. Kaya nga si San Juan ang tinutukoy ni Kristo na sa lahat ng mga babaeng ipinanganak, ito ang propetang higit pa sa mga tinawag ng Diyos at nagpahayag ng kanyang mensahe. At binigyang-diin sa huli na ang mga mababa, mga nasa laylayan, mga dakilang kasalanan ang unang tumugon sa panawagan ni Juan na magsisi, magbalik-loob, at magpabinyag, kaysa sa mga pinuno ng mga Hudyo na masyado namang mapagmataas at puro paghahanap-butas ang inaatupag kay Juan Bautista (pati na rin kay Hesus).

Mga kapatid, tayo ay nalalapit na sa pagdiriwang ng dakilang misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Panginoon sa Pasko ng Pagsilang. Ang pagdiriwang nito ay nagpapaalala sa atin kung paano si Hesukristong likas ng Diyos ay nagpakababa at nabuhay sa ating anyo (maliban sa pagkakasala) upang tayo’y kanyang samahan at sa huli ay kanyang iligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagkamatay sa Krus at Muling Pagkabuhay. At alam nating siya’y umakyat na sa langit, ngunit ang pangako niya ay kasama niya tayo palagi, at tayo’y umaasa sa kanyang maluwalhating pagbabalik upang tawagin niya tayong makahati sa mana ng buhay makalangit. Ito ang pinaghahandaan natin ngayong Adbiyento, na nawa’y isabuhay natin, alinsunod din sa panawagan ni San Juan Bautista na magsisi at magbago upang ang ating mga puso’t isip ay handa nang salubungin siya nang may pagtanggap at pagmamahal.

Reply

Manuel Sagum December 16, 2022 at 6:50 am

Peace be with you.

Ang unang pagbasa ay patungkol sa tunay at wagas na pagmamahal ng Diyos na sa kabila ng mga nagawa at pagtataksil natin sa Kanya ito inaanyayahan at binabalikan parin tayo ng Diyos, bakit? Kasi Sya ang may likha sa atin – mahal Nya tayo. Isang uri ng pagmamahal ng totoo. Sabi nga ng Divos ang mga bundok Ay magigiba ngunit hinde ang Kanyang pag ibig sa atin.

Ang ebanghelyo naman ay ang paglalarawan ni Jesus kay Juan Bautista na Sya ang tinutukoy sa mga kautusan. Kaya nga ngtanong si Jesus sino ba ang hinihintay nyo? Ang nakakalungkot mga publikano at karaniwan pa ang naniwala at sumunod at hinde ang mga pariseo

Mga kapatid, tunay nga na hinanda ni Juan ang pagdating ni Jesus – Ang pagdating ni Jesus ay ang pangako na sinabi ni propeta Isaias sa unang pagbasa.
Ganoon tayo kamahal ng Diyos – kahit na ano pa man pag daanan natin kung inisip mo at pakiramdam mo kinalimutan k ng Diyos hinde iyon mangyayari dahil sinabi mismo ng Diyos tunay ang pagmamahal Nya sa atin. Tandaan natin una tayo minamahal ng Diyos bago pa man natin Sya minahal. Tandaan natin mahal tayo ng Diyos kaya hinde Nya tayo gagawan ng masama o iwan tayo. Maaaring may nangyayari sa atin ngaun na hide natin nauunawaan pero hinde ibig sabihin pina kinalimutan na tayo ng Diyos. Mahal tayo ng Diyos iyan ang tandaan natin lagi dahil ang Diyos ay Pagibig at ang pagibig Ay ang Diyos. Dahil kung mahal mo ang Diyos sundin mo ang nais Nya hinde tulad ng mga Pariseo na hinde pinaniwalaan kahit si Juan na pinadala ng Ama. Pagnilayan natin ito, Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: